SILG Abalos, pinatututukan sa BFP ang imbestigasyon sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inatasan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang Bureau of Fire Protection (BFP) na gawing prayoridad ang pag-iimbestiga sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office.

Matatandaang inabot ng mahigit 30 oras ang sunog sa makasaysayang gusali bago naideklarang fire out nitong Martes ng umaga.

Ayon kay DILG Sec. Abalos, dapat na matukoy ang puno’t dulo ng insidente sa lalong madaling panahon.

“We must get to the bottom of this unfortunate incident at all costs and at the soonest possible time. That is why I am calling on the BFP to prioritize the investigation of the Manila Central Post Office fire and exhaust all means necessary to find out the cause of this incident that destroyed one of the country’s architectural heritage and national historical landmarks,” ani Abalos.

Ayon sa inisyal na ulat ng BFP, nagsimula ang apoy sa basement ng gusali kung saan nakaimbak ang ilang materyal na gawa sa papel at kahoy. Umabot ito sa mga sumunod na palapag at natupok ang iba’t ibang kagamitan sa loob ng gusali, kabilang ang mga parcel at ilang national identification card.

Samantala, nagpasalamat at nagbigay-pugay din si Abalos sa mga BFP personnel at fire volunteers na rumesponde at tumulong upang maapula ang apoy.

Inatasan ng kalihim ang pamunuan ng BFP na siguruhing mabibigyan ng kaukulang tulong at assistance ang mga BFP personnel at fire volunteers na nasaktan sa naturang insidente.

Ayon sa pinakahuling ulat, 18 ang nasaktan sa sunog na kinabibilangan ng 17 tauhan ng BFP at fire volunteers.

“I commend the gallant men and women of the BFP, as well as our volunteer firefighters who have shown heroism and courage in the face of adversity. Hindi matatawaran ang inyong kabayanihan kaya naman sumasaludo ako at taos-pusong nagpapasalamat sa inyong lahat,” ani ng Kalihim. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us