Tiniyak ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan ang mabilis na aksyon ng PNP sa pamamaril at pagpatay kaninang umaga sa brodkaster na si Cresenciano Aldovino Bunduquin sa Capan, Oriental Mindoro.
Sa isang statement, sinabi ni Maranan na siya ring Focal Person ng Media Vanguards ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na mariing kinokondena ng PNP ang insidente ng karahasan laban sa mamamahayag.
Kaugnay nito, inatasan na aniya ni PNP Chief Police Police General Benjamin Acorda Jr. ang Police Regional Office (PRO) MIMAROPA na bilisan ang imbestigasyon sa krimen sa pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa kaso.
Ayon kay Maranan, kasalukuyan nang nangangalap ng karagdagang ebidensya at testimonya ang PNP na makakatulong sa mabilis na pagtukoy at pag-aresto ng suspek.
Sa ngayon aniya ay hindi pa matiyak kung ang motibo sa krimen ay may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang isang brodkaster.
Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib na kanyang ikinamatay matapos pagbabarilin ng dalawang suspek habang nagbubukas ng kanyang tindahan sa barangay Sta.Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro kaninang 4:30 ng umaga. | ulat ni Leo Sarne