Tumagilid ang isang SUV sa Quezon Avenue eastbound sa bahagi ng Hi-Top bago mag-tunnel kaninang madaling araw.
Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Traffic Metro Base, bago mag-alas-5 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Batay aniya sa salaysay ng driver, naalangan ito sa separator ng barrier kaya bumangga sa center island at tumagilid.
Agad namang rumesponde ang emergency response unit ng MMDA upang saklolohan ang nasugatang driver at pasahero ng SUV. Dinala ang mga ito sa East Avenue Medical Center.
Halos isang oras ding nagdulot ng mabigat na trapiko ang insidente matapos isara ang dalawang lane ng kalsada bago ang underpass.
Mag-aalas-sais naman ng umaga nang maialis na ang SUV at naibalik ang normal na daloy ng mga sasakyan sa lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa