Nagsasagawa na ng threat assessment ang PNP sa ilang mga opisyal ng barangay na nag-ulat na nakatanggap sila ng banta sa kanilang buhay.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr. ang naturang mga opisyal ay bibigyan ng karampatang seguridad kung makumpirma na nahaharap sila sa “valid threat”.
Sinabi naman ni Police Security and Protection Group Director Police BGen Antonio Yarra, na dapat ay isang pulis at isang protective agent lang ang security ng mga pulitiko.
Pero maari naman aniya itong madagdagan depende sa pangangailangan base sa threat assesment ng PNP.
Ayon pa kay Yarra, mino-monitor nila ngayon ang mga pulitiko na may hawak na Private Armed Groups.
Sa ngayon aniya, ay 48 PAG ang sinusubaybayan ng PNP, para masiguro na hindi makapaghasik ng karahasan ang mga ito sa darating na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections. | ulat ni Leo Sarne