Sisimulan na ng PNP ang imbestigasyon sa umano’y kulang na service recognition incentive (SRI) bonus na natanggap ng ilang mga pulis.
Sa isang ambush interview kahapon, sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na makikipag-coordinate ang PNP kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. at sa iba pang mga tanggapan para imbestigahan ang mga reklamo.
Pupulungin din aniya ng PNP Chief ang kanyang Command Group kasama ang mga opisyal ng DILG para pakinggan ang paliwanag ng mga kinauukulang opisyal kung totoo man ang mga reklamo, at pag-usapan kung ano ang nararapat na susunod na hakbang.
Matatandaang inawtorisahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 1 noong Disyembre ng nakaraang taon, ang pagpapalabas ng minsanang 20,000 pesos SRI bonus sa mga kwalipikadong tauhan ng Executive Department, kasama ang PNP.
7,000 pesos SRI ang inaprubahan ng PNP Finance Service na ibigay sa bawat pulis base sa available na pondo para sa Personnel Services and Maintenance and Other Operating Expenses.
Pero may ilang mga pulis na nagreklamo sa social media na umano’y 4,000 pesos lang ang kanilang natanggap. | ulat ni Leo Sarne