Pinag-aaralan ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon City ang pagpapatupad ng “15-minute city strategy” sa mga barangay.
Ito ay isang konsepto o urban model na binuo ng isang propesor sa Sorbonne University, kung saan lahat ng essential services ay accessible sa mga residente sa pamamagitan ng paglalakad o pagbibisikleta mula sa tahanan.
Kabilang sa mga serbisyo ang health care, trabaho, edukasyon, parke at open spaces.
Decentralized ang tradisyunal na serbisyo at ibinababa sa mga komunidad upang palakasin ang lokal na ekonomiya, babawasan ang car emission, itataguyod ang urban biodiversity at inclusivity, at bibigyan ng access sa quality green spaces ang publiko.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, namangha sila sa Plastic Treaty Forum na ginanap sa Paris kung saan ipinamalas ang mga lokasyon na nagpapatupad ng 15-minute city strategy.
Upang mas masuri ang benepisyo ng konsepto sa mga residente, nagtalaga ng researchers ang LGU sa mga departamento tulad ng Barangay and Community Relations Department, Office of the City Administrator, City Planning and Development, at Climate Change and Environmental Sustainability.
Sinimulan na ng city government ang barangay mapping sa pamamagitan ng centralized Geographic Information System, upang malaman ang basic services na pangunahing kailangan ng isang komunidad. | ulat ni Hajji Kaamiño