Napasama ang limang unibersidad sa Pilipinas sa global ranking ng London-based Quacquarelli Symonds o QS World University Rankings 2024.
Listahan ito ng mga nangungunang higher education institutions sa buong mundo.
Kabilang sa pasok rito ang University of the Philippines (UP); Ateneo De Manila University (ADMU); De La Salle University (DLSU); University of Santo Tomas (UST), at ang University of San Carlos sa Cebu City.
Nanguna ang UP sa listahan na umangat ang ranggo sa ika-404 na pwesto o walong puwestong mas mataas kumpara sa ranking nito noong 2023 edition.
Sinundan ito ng ADMU na nag-improve din at umangat sa ika-563 na pwesto mula sa 651 hanggang 700 bracket.
Nasa 681-690 bracket naman ang De La Salle University; 801-850 bracket ang University of Santo Tomas; habang nasa 1,201-1,400 bracket naman ang University of San Carlos na unang beses nakapasok sa QS ranking.
Nananatili namang top university sa ranking ang Massachusetts Institute of Technology (MIT) sa Cambridge, Massachusetts.
Sa kabuuan, nasa 1,500 educational institutions ang naging bahagi ng pinakahuling QS World University Rankings na mula sa 104 na lokasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa