Binalaan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Police Brig. Gen. Sidney Sultan Hernia ang publiko na ‘wag magpapadala sa mga nag-aalok na bumili ng kanilang mga rehistradong SIM card.
Ito’y kasunod ng pagkaka-aresto ng ACG ng isang Taiwanese at dalawang iba pa sa San Jose Del Monte, Bulacan, nitong Miyerkules, matapos marekober sa kanila ang mahigit 7,000 rehistradong SIM card.
Ayon kay ACG Spokesperson Police Capt. Michelle Sabino, maaring natutukso ang mga nangangailangan ng pera na ibenta ang kanilang mga SIM card sa mga nag-aalok ng malaking halaga nang hindi nila nauunawaan ang implikasyon nito.
Paliwanag ni Sabino, sa pamamagitan ng pagbili ng mga rehistradong sim card, nagagamit ng mga kriminal ang personal na impormasyon ng mga may ari nito sa iba’t ibang iligal na aktibidad tulad ng identity theft, financial fraud, at telecommunication fraud.
Binigyang diin ni Sabino, ang pagbebenta ng rehistradong SIM card ay paglabag sa mga probisyon ng RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 at Section 6 ng RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne