Nakatutok pa rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lagay ng tatlong bulkan sa bansa partikular ang Bulkang Taal, Mayon, at Kanlaon na patuloy ang aktibidad.
Ayon sa PHIVOLCS, nadagdagan ang volcanic earthquakes na naitala sa Bulkang Kanlaon sa nakalipas na 24 oras.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, umakyat sa limang volcanic earthquakes sa bulkan, mula sa dalawang earthquake noong nakaraang araw.
Nananatili rin ang pagluwa ng 1,198 tonelada ng asupre o sulfur dioxide sa bunganga ng bulkan at ang katamtamang pagsingaw na umabot sa 300 metro ang taas.
Nagkaroon naman ng malakas na pagsingaw sa Bulkang Taal na umabot sa 1,800 metro ang taas.
Bukod dito, aabot rin sa 14 ang naitalang volcanic tremors sa bulkan na tumagal ng dalawa hanggang 25 minuto.
Kapwa nasa Alert Level 1 ang Bulkang Kanlaon at Bulkang Taal.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pagdaloy ng lava sa Bulkang Mayon.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 1.5 kilometro ang lava flow sa bulkan at nagkaroon din ng pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro patungo sa Mi-isi at Bonga Gullies.
Wala namang naitalang volcanic earthquake bagamat mayroong 265 na rockfall events ang na-monitor at limang pyroclastic density current events o pagdausdos ng magkahalong abo, mainit na bato, at volcanic gas sa Bulkang Mayon. | ulat ni Merry Ann Bastasa