Sisimulan nang bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila na mula sa Angat Dam.
Ayon sa NWRB, mula sa 52 cubic meters per second na alokasyon ng tubig sa Metro Manila ngayong Hunyo ay ibababa ito sa 50 cubic meters per second simula bukas, July 1.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam, na posibleng umabot na sa critical level sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ng NWRB, kinakailangan na i-regulate ang pagpapalabas ng tubig sa Angat Dam bilang bahagi na rin ng paghahanda sa epekto ng El Niño sa bansa.
Tiniyak naman ni NWRB Executive Director Sevillano David, Jr. na nakalatag na ang contingency plans ng pamahalaan sa gitna ng banta ng El Niño sa bansa. | ulat ni Diane Lear