Nagkaloob na rin ngayong araw ng welfare goods ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) Sulu sa mga bakwit na pansamantalng nanunuluyan sa tatlong evacuation center sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Ayon kay Imelda Kangiluhan, Provincial Social Welfare Officer ng MSSD Sulu, nasa 343 pamilya sa Matatal Elementary School sa barangay Matatal at 69 naman sa Mawaji Elementary School sa barangay Tubig Samin ang nakatanggap ng tig isang sakong bigas at grocery items. Habang, nauna nang nabigyan kahapon ang mahigit 700 pamilya sa Matatal Gym.
Sa kabuuan, umabot sa may 1,174 pamilya ng mga bakwit, katumbas ng 5,281 indibidual ang nahatiran ng tulong ng MSSD matapos napilitang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan sa Bualo Lipid, Lawm Maimbung, Poblacion at Lower Tambaking dulot ng naganap na labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at grupo ni dating Bise Alkalde Pandoh Mudjasan sa Bualo Lipid, Maimbung.
Hindi pa kasama dito ang ilan sa mga bakwit na tumuloy sa tahanan ng kani-kanilang mga kaanak at kaibigan.
Matatandaang umakyat na sa 5 ang nasawi at 17 naman ang nasugatan mula sa magkabilang panig dulot ng naganap na sagupaan ng magtungo sa barangay Bualo Lipid ang operating troops upang magsilbi ng arrest at search warrant kay Mudjasan nang bigla na lamang sila pinaputukan ng grupo nito. | ulat ni Mira Sigaring | RP1 Jolo