Pinaiiwas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga piloto na magpalipad ng eroplano sa paligid ng mga Bulkang Mayon sa Albay gayundin sa Bulkang Taal sa bahagi ng Cavite at Batangas.
Ito ayon sa CAAP ay kasunod ng inilabas nilang Notice to Airmen (NOTAM) dahil sa naitalang panibagong aktibidad ng mga nasabing Bulkan.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, epektibo ang NOTAM hangga’t nakataas ang Alert Level 2 sa bahagi ng Mayon habang naka-taas naman ang Alert level 1 sa bulkang Taal.
Nakasaad sa abiso, na bawal lumipad malapit sa bulkan dahil maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid ang mga airborn ash at ballistic fragment mula sa biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.
Dagdag pa ng CAAP, hindi dapat bumaba sa 10,000 ft ang flight level mula sa surface ang mga eroplano upang matiyak na ligtas ang paglipad ng mga ito.
Giit pa ni Apolonio, mananatili ang pagpapalabas nila ng NOTAM sa mga sasakyang panghimpapawid malapit sa Mayon at Taal hangga’t hindi nagbabalik sa normalidad ang aktibidad ng mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala