Pinag-iingat na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga piloto at pinaiiwas na ito na lumipad malapit sa bulkang Kanlaon.
Ayon sa CAAP, ito ay matapos itaas ng PHIVOLCS ang Alert Level 1 sa bulkang Kanlaon dahil sa mga naitatalang abnormalidad sa aktibidad nito.
Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, sa ilalim ng inilabas nilang Notice to Airmen (NOTAM) para sa Kanlaon, ipinagbabawal sa mga piloto ang magpalipad ng eroplano may 10,000 talampakan mula sa tuktok ng bulkang Kanlaon.
Layunin nitong mapag-ingat ang mga eroplano sa posibilidad ng biglaang pagsambulat ng steam o phreatic eruption mula sa bunganga ng bulkan
Binigyang diin ng CAAP ang kahalagahan ng pagsunod sa mga inilabas nilang updated NOTAM, para magarantiya ang seguridad ng lahat ng paglalakbay sa himpapawid. | ulat ni Jaymark Dagala