Inilatag ng Department of Migrant Workers (DMW) ang iba’t ibang programa at aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon ng Migrant Workers’ Day.
Isang buong linggo ang pagdiriwang na may temang “OFW, Saludo Ako sa Iyo” upang kilalanin at bigyang-pugay ang overseas Filipino workers dahil sa pagbibigay ng karangalan sa bansa at bilang pagpapasalamat sa di matatawarang kontribusyon lalo na sa ekonomiya.
Ilan sa mga nakahandang programa ang week-long bazaar sa tanggapan ng DMW, capacity-building training para sa OFWs at kanilang pamilya at paglagda sa memorandum of understanding para sa “Pinansyal na Talino at Kakayahan” project.
Ilulunsad din ng DMW ang bagong rules at regulations hinggil sa recruitment at employment ng land-based OFWs.
Samantala, magkakaroon naman ng kasunduan ang DMW at Department of Human Settlements and Urban Development para sa socialized housing na pakikinabangan ng eligible OFWs at kanilang pamilya.| ulat ni Hajji Kaamiño