Naglatag na ng mga checkpoint ang Philippine National Police (PNP) sa 7-kilometer danger zone sa paligid ng Mayon Volcano sa Albay.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadjer General Red Maranan, ito ay para mapigilan ang pagbalik ng mga residente sa paanan ng bulkan.
Giit ni Maranan, prayoridad ng PNP sa hakbang ang kaligtasan ng mga residente na una nang inilikas mula sa danger zone.
Tiniyak naman ni Maranan na may sapat na mga pulis na naka-deploy sa kasalukuyan sa Albay para sa kaligtasan ng mga mamamayan na apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.
Una na ring sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nakahanda na rin ang Reactionary Stand-by Support Force (RSSF) ng PNP para i-deploy sa Bicol kung kakailanganin ng karagdagang pwersa. | ulat ni Leo Sarne