Inatasan na ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera III, na imbestigahan ang reklamo ng dalawang estudyante na hindi pinayagang maka-graduate ng Pamantasan ng Cabuyao.
Ito ay matapos na matukoy na ang dalawang mag-aaral ang manager ng Facebook page na PNC Secret Files na pumupuna sa mga pamamalakad ng pamantasan.
Ayon kay CHED Chair De Vera, nakatanggap ang komisyon ng complaint letter mula kina Joshwell Miko Decena at Jomar Aquino laban sa Pamantasan ng Cabuyao at nakasaad dito ang reklamo na hindi makatuwiran ang mga parusa na ipinataw sa kanila ng pamantasan.
Ayon sa opisyal, inatasan na niya sina CHED Executive Director Cinderella Filipina Benitez-Jaro at Legal and Legislative Services Director Frederick Farolan, na tingnan ang isyu at hingin ang panig ng Pamantasan ng Cabuyao.
Dagdag pa ni De Vera, krikital ang naturang issue dahil apektado ang pag-aaral ng mga estudyante pati na rin karapatan na maghayag ng kanilang mga saloobin. | ulat ni Diane Lear