Binati ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF), at Mabini Municipal Police Station sa pagka-aresto ng Municiapal Mayor ng Mabini, Batangas at dalawang kapatid nito sa kampanya kontra sa loose firearms.
Kinilala ang mga naaresto na sina Mayor Nilo Villanueva, ex-policeman Oliver Villanueva, at Barangay Chairman Bayani Villanueva.
Ang tatlo, kasama ang isa pang suspek na at-large na si Ariel Villanueva, ay sinilbihan ng magkakahiwalay na search warrant sa kani-kanilang mga tahanan sa Mabini, Batangas nitong Sabado.
Narekober sa bahay ng Mayor sa Sitio Silangan, Brgy. Sto Tomas ang isang pinaghihinalaang explosive device; habang nakuha naman sa tatlo ang isang 5.56 mm rifle CAA tactical weapon, isang Cal. 45 pistol; dalawang Bushmaster 5.56mm rifle; isang MK2 Hand fragmentation grenade; at samu’t saring mga magasin at bala.
Ang mga arestadong suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives. | ulat ni Leo Sarne
📸: CIDG