Inilunsad ng Quezon City Local Government kasama ang environmental groups ang “Kuha sa Tingi,” isang community-based refill hubs sa mga sari-sari store.
Ginawa ito ng local government, Greenpeace Philippines at Impact Hub Manila bago ang World Refill Day celebration sa Hunyo 16, 2023.
Layon ng proyekto na makatulong upang matugunan ang problema sa plastic pollution.
Isang memorandum of understanding ang nilagdaan nina Mayor Joy Belmonte at ng environmental group para sa pilot roll-out ng proyekto sa mga piling “Tindahan ni Ate Joy” sari-sari stores.
Sa simula ay may 30 sari-sari stores sa buong lungsod ang lalagyan ng refill stations.
Sa mga tindahang ito, maaaring dalhin ng customers ang kanilang reusable containers para muling lagyan ng basic commodities tulad ng liquid detergent, fabric conditioner, at dishwashing liquid.
Batay sa isang pag-aaral, mahigit 164 milyong sachet ang ginagamit araw-araw sa Pilipinas, nasa 36 na porsyento naman ng plastic na ginagamit sa buong mundo ay napupunta sa packaging, at isang-katlo ay napupunta sa kapaligiran. | ulat ni Rey Ferrer