Malaking tulong sa PNP ang pabuyang inalok ng Department of Justice (DOJ) sa pagdakip kay Bureau of Corrections Chief Gerald Bantag at dating deputy officer Ricardo Zulueta na suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo dahil sa pabuya ay inaasahan nila na may lulutang na impormasyon na makakatulong sa kanilang paghahanap sa mga naturang wanted na indibidwal.
Sinabi naman ni Col. Fajardo na mas mabuti sana kung kusang susuko nalang si Bantag at Zulueta at harapin ang kanilang mga kaso.
Kahapon, inanunsyo ng DOJ ang P2 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Bantag at P1 milyon naman kay Zulueta.
Ang dalawa ay subject ng mga arrest warrant na inisyu ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 at Las Piñas Regional Trial Court Branch 254, kaugnay sa nangyaring pagpatay kay Lapid at Jun Villamor na middleman sa pagpatay kay Lapid noong Oktubre 2022. | ulat ni Leo Sarne