Itinanggi ng Department of Education o DepEd ang umano’y red-tagging sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers o ACT.
Kasunod ito ng inilabas na memorandum ng ahensya na nagpapa-sumite ng listahan ng mga gurong kasapi ng ACT.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, malinaw na nakasaad sa memoramdum na ang hinihihinggi na listahan ay mga miyembro ng ACT na gumagamit ng automatic payroll deduction system o APDS.
Ang APDS ang sistema na ginagamit ng DepEd para sa mga kinakaltas sa sweldo ng mga guro, maliban pa sa statutory contributions na SSS o GSIS.
Ani Poa, nag-a-update ang kagawaran ng kanilang Human Resource Systems kabilang na ang APDS dahil nais nilang gawing centralize ang kanilang sistema.
Dagdag pa ng tagapagsalita, marami raw nagre-reklamo na mga guro na nakakaltasan ng sahod ngunit hindi tama ang binabawas kung kaya’t maganda na maging centralize ang datos pati na ang mga nasa rehiyon.
Paliwanag pa ng DepEd, naglabas din ng memorandum ang ahensya para sa iba pang miyembro ng union, organization, at association ng teaching at non-teaching personnel na gumagamit ng APDS. | ulat ni Diane Lear