Nagpahayag ng pagkaalarma ang lokal na pamahalaan ng Taguig kaugnay sa ipinalalabas na pagbubukas muli ng Taguig-Makati territorial dispute bagamat pinal na itong nadesisyunan ng Korte Suprema.
Sa isang statement na ipinalabas ng Taguig City sinabi nito na tinuring lamang nila na “fake news” ang mga unang kumakalat na social media posts na nagsasabing nakausap ni Makati City Mayor Abby Binay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Marcos at Chief Justice Alexander Gesmundo para muling buksan ang kaso ng territorial dispute.
Gayunpaman, nang sundan ito ng panayam kay Binay noong Hunyo 7,2023 at sinabi nitong mayroong natanggap na dokumento mula sa Korte Suprema ang City na nagtatakda ng oral argument ay ito na ang nakakaalarma dahil wala itong katotohanan, sa katunayan walang natatanggap na kautusan ang Taguig hinggil dito.
Pinunto pa ng Taguig na mismong si SC Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka ang naglinaw na walang itinatakdang oral arguments hinggil sa territorial dispute dahil nagkaroon na ng Entry of Judgement sa kaso.
Giit pa nito na mahaba ang tinakbo ng kaso at anumang naging desisyon sa kaso ay dapat na igalang.
Ang final and executory decision sa Makati-Taguig dispute ay ipinalabas ng SC noong Setyembre 28, 2022 matapos nitong ibasura ang Motion for Reconsideration ng Makati City, sa nasabing desisyon, sinabi ng SC na wala nang anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon ang tatanggapin na may kaugnayan sa usapin.
Maging ang apela ng Makati na iakyat sa SC en banc ang kaso ay ibinasura din sa kawalan ng merito at ang tangka nitong paghahain ng ikalawang Motion for Reconsideration ay hindi pinapayagan sa rules of procedure. | ulat ni Lorenz Tanjoco