Nagpaabot ng pagbati ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipinong marino sa mahalaga nitong ambag sa patuloy na komersyo at kalakalan sa ilalim ng pandaigdigang ekonomiya sa pagdiriwang ng Day of Seafarers 2023 kahapon.
Sa mensahe ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, magmula ng ideklara ang ika-25 ng Hunyo bilang Day of the Seafarer noong 2010, patuloy na binibigyan ng pagkilala at karangalan ang mga Pilipinong mandaragat dahil sa hindi matatawarang ambag sa maritime industry at matibay na komitment na protektahan ang kalikasan.
Binigyang pugay rin ng kalihim ang mga kababaihang marino na naging matagumpay sa kanilang propesyon, na nagpakita ng kanilang kakayahan, dedikasyon, at katatagan.
Sinabi rin ni Manalo na nakatuon ang Pilipinas sa mga layunin ng International Maritime Organization sa pagtiyak ng kapakanan at kaunlaran ng mga marino sa buong mundo, pagtataguyod ng mga sustainable practices, at pagsusulong ng global maritime agenda. | ulat ni Gab Humilde Villegas