Tiniyak ng Department of Health o DOH na patuloy ang paglalaan ng Mental Health and Psychosocial Support Services o MHPSS sa iba’t ibang evacuation sites sa Albay.
Ito ay sa gitna ng nakikita pa ring mga aktibidad ng Bulkang Mayon.
Batay sa DOH-Bicol Center for Health Development — nasa 29 na evacuation camps na ang naikutan para mabigyan ng MHPSS ang mga evacuee.
Kabilang sa mga serbisyong ito ay art and play session lalo na para sa mga bata; social and community support; consolation and emotional ventilation; psychosocial education, at stress management.
Bukod dito, inire-refer ng Psychosocial Team ang evacuees na nangangailangan ng karagdagang mental health at psychosocial intervention mula sa mga eksperto.
Sinabi ng DOH-Bicol CHD na mahigit 5,000 na psychosocial services na ang naibigay sa mga evacuation center.
Katuwang naman ng DOH ang Department of Education o DepEd Region V; Philippine National Police; at iba pang mahalagang tanggapan.
Samantala, naka-iskedyul na rin ang mga susunod na deployment ng Psychosocial Team sa evacuation centers sa buong Albay para sa marami pang MHPSS ang magawa. | ulat ni Lorenz Tanjoco