Naglunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng information caravan sa Cagayan Valley upang ipabatid ang social protection programs ng ahensya.
Mahigit 40 social welfare officers ang lumahok sa caravan sa Tuguegarao City na pinangunahan ng DSWD sa pakikipagtulungan ng Field Office II.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez, layon nitong palalimin ang pang-unawa sa local level ng mga programa at kung paano nito binabago ang buhay ng mga benepisiyaryo.
Mahalaga aniya ang papel ng LSWDOs sa pagtulong sa ahensya na tuparin ang mandato na iangat ang buhay ng marginalized sector.
Kabilang sa tinalakay sa caravan ang mga programa tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Kapitbisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), Sustainable Livelihood Program, at Listahanan 3 Dataset.
Bukod dito, nagkasa ng orientation hinggil sa implementing rules and regulations ng Expanded Solo Parents Act.
Bilang suporta sa selebrasyon ng World Day Against Child Labor, tampok din sa caravan ang Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood and other Developmental Interventions o SHIELD against Child Labor Program. | ulat ni Hajji Kaamiño