Ipinag-utos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa field offices sa CALABARZON at Bicol Region, na maglatag ng family food packs bilang paghahanda sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon at Taal.
Ginawa ng kalihim, ang kautusan dahil sa ipinapakitang patuloy na abnormalidad ng dalawang bulkan na posibleng muling pumutok ang mga ito.
Kinausap na rin ni Secretary Gatchalian si Albay Governor Edcel Grex Lagman, at tiniyak ang kahandaan ng DSWD sa pagtugon sa sandaling magkaroon ng major eruption sa bulkang Mayon.
Aniya, activated na ang Quick Response Team ng DSWD Field Office 5 sa Bicol Region para i-monitor ang kalagayan ng Mayon volcano.
Ininspeksyon na rin ang mga warehouse ng DSWD Field office 5 sa munisipalidad ng Bogtong, Camalig, at Pawa, at tiningnan ang suplay ng family food packs sa lugar.
Bukod dito, may koordinasyon na ang DSWD Bicol regional office sa Office of Civil Defense sa lalawigan. |ulat ni Rey Ferrer