Pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ang Philippine Business Forum on Green Energy and Digital Techniques, sa pakikipagtulungan ng EU-ASEAN Business Council, European Chamber of Commerce in the Philippines, at ng Board of Investments.
Dito ay tinalakay ang gumagandang investment climate ng bansa, ang umuusbong na market trends, at ang commitment nito sa energy transition at digital transformation.
Sa kanyang talumpati, tinalakay ni Pascual ang kagyat na paglipat sa malinis at green energy sa Pilipinas. Binigyang-diin niya na hindi lamang ito nagpapakita ng kahalagahan sa kalikasan bagkus ito rin ay isang economic opportunity.
Kinilala rin ng kalihim ang matagumpay na pagpapatupad ng European Union ng mga polisiyang may kinalaman sa renewable energy na siyang magiging giya ng bansa sa pagpapabilis ng sarili nitong energy transition.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni Pascual ang mga dumalo na makipagtulungan sa Pilipinas upang mapabilis ang paglago ng renewable energy, mapabuti ang energy security, at makapag-ambag sa climate change mitigation. | ulat ni Gab Humilde Villegas