Magkatuwang ang DSWD, Office of the Speaker at Tingog Party-list sa pagpapaabot ng P5,000 educational assistance sa may 900 mag-aaral sa Tolosa, Leyte.
Sa maikling mensahe ni Speaker Martin Romualdez sa mga mag-aaral, sinabi nito na ang Assistance to individuals in crisis situations (AICS) ay isa sa mga social program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na sinusuportahan ng kaniyang may bahay na si First Lady Louise Araneta Marcos, na isang patunay sa pagnanais ng administrasyon na makatulong sa mga nangangailangan.
“Mahal na mahal nila ang buong Pilipinas at ang mga kabataang Pilipino,” sabi ni Romualdez.
Nangako naman si Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez, Chairperson ng House Committee on Accounts, na ipagpapatuloy ng Tingog ang pagbibigay serbisyo sa mga taga-Eastern Visayas at Leyteños at Samareños sa iba’t ibang panig ng bansa sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng DSWD.
Bilang lider naman ng Kamara de Representates, ipinangako ni Romualdez ang patuloy na pagtulong sa administrasyong Marcos para maipaabot ang kinakailangang serbisyo para mapagbuti ang kalagayan ng mga Pilipino, sa pamamagitan ng budget process.
“Ang budget ay lahat ng nakolekta at naipon natin na buwis sa buong bansa at ‘yan po ay dini-distribute natin sa taong bayan. Yan po ang trabaho namin bilang congressman at ako, bilang Speaker, namumuno diyan (sa Kongreso) Wala kaming ginagawa araw-araw kundi isipin ang para sa kabuhayan ninyo, ang kabutihan ninyo, o ang kalusugan ng aming mga constituents, tulad ninyo dito sa Tolosa,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes