Iminungkahi ng Office of Civil Defense (OCD) na gawing mga National Park ang mga geohazard areas o lugar na bulnerable sa kalamidad tulad ng paligid ng mga aktibong bulkan.
Ayon kay Civil Defense Administrator and National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno layon nitong masolusyunan ang problema sa paglilikas ng mga residente sa tuwing nag-aalburoto ang mga aktibong bulkan sa bansa.
Binigyang diin ni Nepumoceno na walang dapat nakatira sa 6km permanent danger zone ng bulkang Mayon.
Paliwanag ni Nepomuceno kapag naideklara na itong National Park, pagbabawalan na ang sinuman na manirahan dito upang maiwasan ang posibleng pagkawala ng buhay kapag nagkaroon ng aktibidad ang bulkan.
Umaasa naman ang opisyal na ang mungkahi ay susuportahan ng mga mambabatas. | ulat ni Leo Sarne