Pinangunahan ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez, 1st District Representative Edwin Olivarez, kasama ang iba’t ibang opisyal ang groundbreaking para sa Women and Children’s Center, ngayong araw.
Matatagpuan ito sa likod ng Ospital ng Parañaque 1 sa Brgy. La Huerta, na siyang inaasahang magpapaunlad sa pagbibigay ng serbisyong medikal ng lungsod sa kanilang mga residente.
Ayon kay Mayor Olivarez, ang itatayong Women and Children’s Center ang magsisilbing ikalawa sa buong Pilipinas sunod sa Lungsod ng Taguig.
Nakasalig aniya ito sa itinatadhana ng ipinasang Universal Healthcare Law, na nagtatakda sa mga lokalidad na magbigay ng ibayong serbisyo sa kanilang mga Pilipino.
Kalakip ng itatayong Women and Children’s Center, maglalagay dito ng iba’t ibang pasilidad tulad ng Operating Room, Delivery Room, Neo-natal Intensive Care Unit, Pediatric at Maternity Ward.
Maglalagay din dito ng karagdagang mga hospital bed na sapat para itaas ang antas ng Ospital ng Parañaque para maging Secondary Hospital. | ulat ni Jaymark Dagala