Umaapela ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa Department of Transportation na magtalaga ito ng mga Transport Adjudicators na siyang didinig sa reklamo ng mga pasahero.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, Pangulo ng LCSP, hindi na daw dapat trabaho ng Chairman at mga Board Member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang duminig sa reklamo ng mga mananakay.
Dahil sa sobrang dami ng trabaho ng LTFRB Board, nagiging usad pagong ang mga isinasampa na reklamo laban sa mga driver at operators ng mga public transport.
Sa panukala ni Atty. Inton, magiging katulad ng Labor Arbiter ng DOLE ang magiging trabaho ng ilalagay na mga transport adjudicators.
Sila ang unang didinig sa mga reklamo at gagawa ng desisyon habang rebyu at appeal na lamang ang trabaho ng LTFRB Board.
Bukod dito, hiningi rin ng LCSP ang paglalagay ng fix term ng LTFRB Board dahil hindi daw nila natatapos ang trabaho kapag nagpapalit ng administration. | ulat ni Michael Rogas