Ibinasura ng Bacolod Regional Trial Court ang apelang Temporary Restraining Order (TRO) para mapigilan ang Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) at Primelectric Holdings Inc.
Sa 3-pahinang desisyon, sinabi ni RTC Branch 6 Presiding Judge Maria Lina Gonzaga na nilabag ng petitioner na Negros Consumers’ Watch (NCW) at iba pa ang proseso sa paghahain ng petisyon sa korte.
Sinabi ni Judge Gonzaga na batay sa record ay lumitaw na hindi nabigyan ng kopya ng petisyon ang respondents sa kaso na kinabibilangan ng Ceneco Board of Officers; Primelectric Holdings Inc., at Negros Electric Power Corp.
Paalala ng korte, isa sa mga pangunahing proseso sa isang aplikasyon na humihiling ng TRO ay dapat alam ng kabilang panig.
Ngunit sa nasabing kaso ay hindi nabigyan ng notice ang adverse party.
Ang JVA sa pagitan ng Ceneco at Primeletric Holdings Inc. ay naglalayong maisalba ang power industry sa Negros, kung saan nasa ₱4-billion investment ang ilalaan para sa modernisasyon kasama dito ang pagbili ng assets at budget para sa capital expenditures.
Nasa 1,000 barangay leaders, business groups, multi-sectoral groups, at maging ang lokal na pamahalaan ang pabor sa nabuong JVA, para na rin tuluyang maresolba ang problema sa kuryente sa rehiyon kabilang ang madalas na nararanasang brownout at mataas na presyo ng kuryente dala ng systems loss na umaabot sa ₱20-million kada buwan. | ulat ni Lorenz Tanjoco