Sabay-sabay na nag-“duck, cover and hold” ang mga kawani ng iba’t ibang Lokal na Pamahalaan sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Ito’y bilang pakikiisa nila sa isinagawang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na pinangunahan ng Office of the Civil Defense at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ngayong araw.
Kabilang sa mga lumahok ay ang mga Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas, Muntinlupa at Makati gayundin ang National Capital Region Police Office o NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Dito, ipinakita ng kani-kanilang Disaster Response Teams ang mga kasanayang dapat matandaan ng publiko sakaling dumating ang mga pinangangambahang pangyayari tulad ng lindol.
Nagsagawa ang mga ito ng simulation excercise upang maipaalala sa kamalayan ng lahat ang mga unang hakbang kung sakaling tumama sa Metro Manila ang “the Big One” o ang magnitude 8 na lindol dulot ng pagalaw ng West Valley Fault. | ulat ni Jaymark Dagala