Nagkaroon ng magandang oportunidad ang isang labing-apat na taong gulang na mag-aaral na matuto sa mga gawain ni Vice President Sara Duterte sa Brunei Darussalam at Singapore.
Ang Grade 8 student mula sa Bacolod City na si Naomi ang napiling ikalawang benepisiyaryo ng proyektong “You Can Be VP” ng Office of the Vice President.
Isinama ni VP Sara si Naomi sa kanyang official engagements sa dalawang bansa bilang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization.
Layunin ng “You Can Be VP” na bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na may kahanga-hangang academic records at nagpapakita ng commitment na tatapusin ang pag-aaral at aabutin ang pangarap.
Hinihimok din nito ang mga kabataan na linangin ang kanilang leadership skills.
Ayon kay Naomi, nakita niya kung gaano kaabala ang schedule ni VP Sara pati na ang pagod ngunit kahanga-hangang commitment sa trabaho nang samahan niya ito sa Brunei at Singapore.
Kabilang sa kanilang binisita ang Mulia Sarjana International School at SEAMEO VOCTECH Regional Center sa Brunei at Mandai Wildlife Reserve sa Singapore.| ulat ni Hajji Kaamiño