Hindi nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ang isang dalaw na nagtangkang magpuslit ng iligal na droga sa loob ng Quezon City Jail Male Dormitory sa Quezon City.
Batay sa ulat, noong Hunyo 3 pumunta sa jail facility ang 44-anyos na lalaki mula sa Montalban, Rizal para dalawin ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) .
Kaya lang nang sumailalim na sa strip at visual body cavity search, nabuko itong may dalang suspected “marijuana kush” na nakalagay sa condom at nakaipit sa puwitan.
Abot sa 56 gramo ng marijuana kush ang narekober sa kanya na may kabuuang halaga na Php 67,200 bukod pa ang ibang paraphernalia.
Nakakulong na ang drug suspect at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng Republic Act 9165.
Matatandaang ipinag-utos noon ni BJMP NCR Regional Director Jail Chief Supt. Efren Nemeño ang pagpapaigting sa kampanya laban sa illegal drugs sa lahat ng jail facilities sa National Capital Region. | ulat ni Rey Ferrer