Ipinangako ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magiging mas patas para sa lahat ng motorista ang implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP), sakaling maibalik ito.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwag ni MMDA Spokesperson Melissa Carunungan na ito ay dahil mababantayan na ang lahat ng mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, na hindi kayang bantayan ng kanilang tauhan 24/7.
Ayon sa opisyal, bago suspendihin ang NCAP, nasa 9,500 ang naitatalang traffic violation kada buwan.
Isang buwan matapos suspendihin ang NCAP, umakyat ang bilang na ito sa 22, 000.
Habang noong Mayo, pumalo pa sa 32, 000 ang naitalang traffic violation.
Habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa apela na muling buhayin ng NCAP, sila sa MMDA ay patuloy sa paghahanda.
“Pinaghahandaan na rin po ang computerization ng mga sending of notice, agreement with PhilPost, ipi-print po namin ang mga envelops na may barcode para po mas madali ang sending of notices at ma-address rin po ang karamihan ng issues kagaya po ng due process at data privacy concerns sa pamamagitan po ng Single Ticketing System.” —Atty. Carunungan. | ulat ni Racquel Bayan