Nagsimula na ngayong araw na mailipat ang lahat ng international flights ng Philippine Airlines sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport mula sa Terminal 2.
Ayon kay PAL Vice President for Airport Operations Alfred Adriano, dalawang buwang pinaghandaan ng flag carrier ang paglipat ng mga international flight patungong Terminal 1 sa tulong ng iba pang stakeholders.
Sinabi rin ni Adriano na may mga tauhan ang PAL na nag-iikot sa loob ng terminal upang tiyakin ang kalagayan at pakinggan ang mga hinaing ng mga pasahero.
Ayon naman kay Manila International Airport Authority Officer-in-Charge Bryan Co, aabot sa 20 departure at 20 arrival flights ang inilipat sa NAIA Terminal 1 simula ngayong araw na may tinatayang anim na libong pasahero.
Plano rin ng MIAA na maglagay ng karagdagan pang mga pasilidad, tulad ng karagdagang security lane. Nakipag-usap na rin ang MIAA para sa karagdagang immigration counter upang ma-accommodate ang dagsa ng pasahero lalo na tuwing peak hours.
Tinataya namang aabot sa 25,000 na mga pasahero ang tumutungo sa Terminal 1 kada araw. | ulat ni Gab Humilde Villegas