Siniguro ng Office of Civil Defense (OCD) na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng national at local government sa kalusugan ng mga residenteng nagsilikas dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi no OCD Spokesperson Diego Mariano na nangunguna ang Department of Health (DOH) sa hakbang na ito, katuwang ang kanilang regional counterparts.
Nariyan rin aniya ang mga health district ng local government units (LGUs), upang regular na i-check at tignan ang lagay ng kalusugan ng mga nagsilikas.
Ayon sa opisyal, minor illness lamang ang naitatalang sakit ng mga nananatili sa evacuation centers. “Mayroon pong nagkakasakit, ito naman po ay, kumbaga, mga minor illnesses lang po ‘no. Iyong mga nakukuha nila habang sila po ay nasa evacuation centers dahil po sa pabago-bagong panahon katulad po ng ubo, sipon at lagnat, ito ang mga karaniwang nari-report or mga nilulunasan po ng ating mga doktor po from DOH at LGUs.” —Mariano. | ulat ni Racquel Bayan