Nagbigay ng karagdagang 3,200 sako ng bigas ang Office of Civil Defense (OCD) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay kasama ang iba pang relief supplies para sa mga komunidad na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito ay tinanggap ni Albay Governor Edcel Lagman mula kay Department of National Defense (DND) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman, Sec. Gilbert Teodoro at OCD Administrator and NDRRMC Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno.
Ayon kay OCD at NDRRMC spokesperson Assistant Sec. Raffy Alejandro IV, dahil dito umabot na sa halos 13.6 milyong pisong halaga ng tulong ang naipagkaloob ng ahensya sa lalawigan.
Una nang nagpadala ang OCD sa lalawigan ng tarpaulin rolls, N95 face masks, family food packs, hygiene kits, pelican cases, portable water filtration unit, at water filtration truck para sa mga apektadong komunidad. | ulat ni Leo Sarne