Kabilang na rin ang Las Piñas sa mga lungsod sa Metro Manila na magpapatupad ng single ticketing system.
Ito ay makaraang ianunsiyo ng Las Piñas City Local Government na kanila na ring ipatutupad ang bagong Unified Traffic Management System sa kanilang lungsod.
Dahil dito, sinabi ng Las Piñas LGU na epektibo sa Hunyo 19, magiging online na rin ang pagbabayad ng multa para sa mga mahuhuling lalabag sa batas trapiko.
Sakaling mahuli, maaaring kunin ng mga motorista ang kanilang ordinance violation receipts sa Traffic and Parking Management Office ng lungsod 10 araw mula nang isyuhan sila nito.
Kasunod nito, pinaalalahanan din ng Las Piñas LGU ang mga motorista na huwag nang magpahuli at sundin na lamang ang batas trapiko upang makaiwas sa anumang abala. | ulat ni Jaymark Dagala