Sa kauna-unahang pagkakataon sa mga railway sa Pilipinas, gagamit ang Light Rail Transit Line 1 ng Quick Response o QR Code para mabawasan ang mabilis na pila sa mga ticketing booth.
Ito’y matapos ilunsad ng Light Rail Transit Authority ang bagong pamamaraan ng pagbabayad sa pagsakay sa mga tren na sakop ng Line 1.
Ayon kay Ms. Jacquiline Gorospe, Head ng Corporate Communications and Customer Relations ng Light Rail Manila Corporation, ginawa nila ito upang mas maging kombenyente sa kanilang mga customer ang pagsakay sa LRT Line 1.
Ang naturang QR Code ay maaaring ma-download sa MNL app gamit ang mga e-wallet, debit card o kaya ay credit card.
Kapag na-download na ang QR ticket, may inilaan na electronic system sa mga istasyon at doon lamang ipapa-scan ng isang pasahero para sa kanyang pagsakay.
Bukod sa QR ticket, pwede pa ring gamitin ng mga pasahero ang nakagawian nitong proseso sa pagbili ng ticket tulad ng beep card at sa mga ticketing booth. | ulat ni Michael Rogas