Inihain ni Quezon City Representative PM Vargas ang House Bill 8357 o panukalang Magna Carta of Tricycle Driver.
Ayon sa mambabatas, sa pamamagitan nito ay mapapangalagaan ang karapatan ng mga nagmamaneho at operator ng pumapasadang tricycle.
Isinusulong sa panukala ang pagkakaroon ng standard na panuntunan para sa operasyon ng tricycle.
Padadaliin din ang proseso ng pagpaparehistro sa tricycle sa pamamagitan ng pagtatayo ng one-stop shop sa bawat local government unit (LGU).
Magtatakda naman ng mga kalsada kung saan makakabiyahe ng ligtas ang mga tricycle.
Ang pumapasadang tricycle ay dapat mayroong Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) na valid ng tatlong taon maliban na lamang kung masususpinde o kakanselahin ito.
Bibigyan din sila ng pagkakataon na maging miyembro ng Social Security System (SSS), at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Pagtutulungan naman ng LGU at iba pang ahensya ng pamahalaan ang pagkakaroon ng Tricycle Maintenance Program na magtuturo sa mga driver at operator na kumpunihin ang kanilang tricycle.
Maliban pa ito sa paglikha ng mga livelihood program para magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga tricycle driver. | ulat ni Kathleen Jean Forbes