Nasabat ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport – Inter Agency Drug Interdiction Task Group at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit 7 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng Php 48,640,000.
Ito’y matapos maharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa NAIA ang check-in luggage ng isang Canadian national matapos dumaan sa initial x-ray inspection sa NAIA Terminal 1.
Kinilala ang naturang pasahero na si Mary Jane Marais na lulan ng Japan Arlines flight JAL-741, isang connecting flight mula Narita.
Nabatid na nagmula pa sa Mexico ang naturang babae na dumaan sa Narita bago tuluyang magtungo rito sa Pilipinas.
Nakasilid ang naturang kontrabando sa pakete ng mga tsokolate na agad namang itinurnover sa PDEA para isailalim sa kaukulang documentation.
Inaresto rin ang nabanggit na pasahero na ngayo’y mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | ulat ni Jaymark Dagala