Mas aktibong degassing, na-monitor sa Bulkang Taal; publiko, pinag-iingat

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ng PHIVOLCS ang aktibong degassing o paglabas ng usok sa main crater ng Taal Volcano.

Ayon sa PHIVOLCS, batay sa 24 hr monitoring nito, ay nagbuga ng mataas na lebel ng sulfur dioxide o asupre ang Bulkang Taal na may upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.

Naitala rin ang malakas na pagsingaw na nasa 2,000 metro ang taas mula sa main crater.

Dahil dito, sinabi ng PHIVOLCS na posibleng maranasan ang volcanic smog o ‘vog’ sa paligid ng Taal.

Ang ‘vog’ ay binubuo ng mga droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at puwedeng magdulot ng irritation sa mata, lalamunan at respiratory tract. Mas higit na mapanganib ang makalanghap nito para sa mga taong may health condition tulad ng asthma, sakit sa baga, sakit sa puso, mga matatanda, buntis at mga bata.

Dahil dito, pinapayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente sa paligid ng Taal na iwasan munang maglalabas ng bahay at isara ang mga pinto at bintana upang maiwasang makalanghap ng smog.

Hangga’t maaari ay magsuot rin ng N95 facemask para maprotektahan ang sarili sa exposure sa vog.

Nananatili ngayon sa alert level 1 ang Taal Volcano kung saan patuloy na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island o TVI, lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us