Pinawi ng Maynilad Water Services Inc. ang pangamba ng kanilang mga customer na baka magkaroon na naman ng panibagong water service interruption dahil sa desisyon ng NWRB na bawasan ang alokasyon para sa water concessionaires simula sa June 16-30.
Bagamat pinagbigyan kase ang pananatili ng 52 cm mula sa Angat dam, ito ay hanggang June 15 lamang at pagdating ng June 16 hanggang 30 ay babawasan na ito ng 2 cm para naman mapaghandaan din ang banta ng El Niño.
Ayon naman kay Engr. Ronald Padua, water supply operations head ng Maynilad, batay sa kanilang forecast ay wala namang magiging water interruption mula June 16-30 sa kanilang mga customer na sinusuplayan ng Angat dam.
Ayon sa kanya, ongoing na ang kanilang mitigating measures para mapunan ang mawawalang volume sa tubig.
Kabilang dito ang pagpapagana ng modular water treatment plant sa Imus, Cavite, at pagkukumpuni sa mga tagas sa tubo para mabawasan ang water losses.
Inaasahan din ng Maynilad ang paparating na panahon ng tag-ulan na posibleng makadagdag sa suplay ng tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa