Naglagay na ang Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) desk sa siyam na barangay sa lungsod.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, layon nito na ibaba sa mga barangay ang sumbungan laban sa mga tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan sa kanilang lungsod kabilang na ang Pulisya.
Aniya, hindi lamang nakatutok ang pamahalaang lungsod sa malusog na pagnenegosyo at ilapit ang serbisyo sa tao, kung hindi ay para bigyang proteksyon ang mga mamamayan nito sa mga abusadong Pulis.
Giit pa ni Biazon, dapat panatilihin ng mga law enforcer ang kanilang pangako na protektahan at pagsilbihan ang bayan.
Magugunitang inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inisyatiba ng pagtatayo ng PLEB sa bawat lokalidad, na siyang magbabantay sa anumang uri ng pang-aabuso o katiwalian. | ulat ni Jaymark Dagala