Hindi pa pinapahintulutan makauwi sa kani-kanilang mga lugar sa bayan ng Maimbung, Sulu ang mahigit 1,000 pamilya ng mga bakwit katumbas ng mahigit 6,000 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa tatlong evacuation center sa naturang bayan.
Walang pang clearance mula sa mga kinauukulan na maaari nang bumalik, maging ang mga nagsilikas, sa karatig ng barangay ng Bualo Lipid tulad ng Lawm Maimbung, Poblacion at iba pa dahil sa posibilidad na magkaroon pa ng mga enkwentro sa patuloy na pagtugis ng PNP at AFP kay Mudjasan.
Lalo na ang may 170 pamilya mula Bualo Lipid na naroon sa Mawaji Elementary School sa barangay Tubig Samin na maliban sa welfare goods, nakatanggap din ng sleeping kits ng unan, kumot, banig, towel at moskitero mula sa Ministry of Social Services and Development sa lalawigan.
Ito ayon kay PCpt Naljir Asiri, Officer In-Charge ng Maimbung Municipal Police Station kahit unti-unti nang nagbalik sa normal ang sitwasyon matapos humupa ang tensyon nang matigil ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng armadong grupo ni dating Bise Alkadle Pandoh Mudjasan sa barangay Bualo Lipid nung Sabado ng hapon.
Mahigpit din aniya ang ipinapatupad na seguridad upang matiyak na hindi makalabas sa lugar si Mudjasan na subject ng arrest at search warrant ng mga otoridad nang bigla na lamang sila pinaputukan na nagresulta sa pagkasawi ng lima katao at 17 ang sugatan sa magkabilang panig.| ulat ni Mira Sigaring| RP1 Jolo