Nag-organisa ng medical mission ang Ako Bicol Party-list sa pangunguna ni Representative Jil Bongalon, para sa mga lumikas bunsod ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa pamamagitan ng Tarabangan Caravan, nabigyang pagkakataon ang mga nananatili sa San Jose Elementary School na isang evacuation center, na makatanggap ng health service tulad ng pagpapakonsulta, gamot at pati na health education.
Mahalaga kasi aniya na maturuan din ang mga evacuee kung paano maiiwasan ang pagkakaroon at pagkalat ng sakit sa mga evacuation center, kung saan kadalasan ay nagsisiksikan ang mga pamilya.
Sinabi naman ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co, na Chair din ng Appropriations Committee ng Kamara, na isusulong niyang magkaroon ng sariling evacuation facility ang mga bayan sa Albay gaya na lamang sa Malilipot.
Aniya, hindi na dapat mga eskuwelahan ang ginagamit na evacuation center dahil nakakaapekto rin ito sa pag-aaral ng mga bata. | ulat ni Kathleen Forbes