Nagpaalala na rin ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka partikular sa Bicol Region kaugnay ng nagbabadyang banta ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng pagtaas sa Alert Level 3 ng estado ng bulkan dahil sa patuloy na abnormalidad nito at pagdami ng rockfall events.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang Department of Agriculture (DA) Regional Field Office V sa iba pang DRRM-related agencies sa mahigpit na pag-monitor sa sitwasyon ng bulkan.
Inabisuhan na ang mga magsasaka na ilikas na ang kanilang mga alagang hayop sa mas ligtas na lugar at itago na rin ang mga kagamitang pansaka at mga makinarya.
Pinag-iimbentaryo na rin ang livestock population sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone.
Bukod dito, inihahanda na rin ang prepositioning ng hauling trucks sa Tabaco City at Camalig, at Albay Research Outreach Stations
Una nang inirekomenda ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang paglilikas sa 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng lava flows, rockfalls at iba pang volcanic hazards. | ulat ni Merry Ann Bastasa