Mga pasahero sa Valenzuela, ikinatuwa ang bawas-pasahe sa tricycle sa lungsod

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kung may dagdag-pasahe sa ilang pampublikong transportasyon, bawas-singil naman ang ipinatupad sa lungsod ng Valenzuela.

Epektibo nitong Lunes, June 19, ang bawas-pasahe sa mga tricycle sa Valenzuela kung saan ang minimum na pasahe ay ibinaba sa ₱10 mula sa dating ₱12 kada pasahero.

May bawas singil din sa special trip na ₱40 na lang mula sa dating ₱48 kada byahe.

At mayroon pa ring diskwento para sa mga pasaherong PWD, Senior, at Estudyante.

Alinsunod ito sa Ordinance No. 497 na ipinasa noong 2018, “An Ordinance Amending Section 3 (C) Of Ordinance No. 19, Series of 2011, Otherwise Known As ‘Standardized Public Utility Tricycle Fare Increase.’”

Sa pila ng trike sa Tamaraw Hills, Brgy. Marulas, nakapaskil na ang tricycle fare matrix.

Para sa mga pasahero, good news ito lalo na sa mga manggagawa, pati mga nanay na naghahatid ng anak sa eskwelahan at madalas sumakay ng tricycle.

Gayunman, hindi lahat ng tricycle driver ay pabor dito dahil bawas kita raw ito sa kanila.

Katunayan, katumbas raw ito ng ₱100 na bawas kita sa buong araw na pamamasada.

Umaasa na lang ang mga tricycle driver na magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo nang makabawi pa rin sila sa ipinatupad na bawas-pasahe.

Una nang napagkasunduan ng Valenzuela City Transportation Office (VCTO) at mga kinatawan ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) ang bawas-pasahe sa lungsod dahil sa pagbaba ng presyo ng gasolina. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us