Muling nagtungo si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa Malabon City Jail upang personal na kamustahin ang kalagayan ng mga ‘persons deprived of liberty’ (PDL), ilang araw matapos ang nangyaring noise barrage sa pasilidad.
Bitbit ng alkalde sa pagbisita nito ang ilang kagamitang maaaring magamit pang-araw-araw ng mga PDL gaya ng electric fan, sako ng mga bigas, hygiene kits, at pati computer na magagamit ng mga ito sa virtual hearings ng kanilang mga kaso.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng alkalde na natutuwa itong naibalik na sa ayos ang loob ng City Jail at mahinahon na rin ang mga PDL.
Tiniyak rin nito sa mga PDL na patuloy na pangangalagaan ng pamahalaang lungsod ang kanilang kalagayan at karapatan.
Kasama sa inihayag ng alkalde ang pagbuhay sa mga livelihood project para may pagkakitaan ang mga PDL at makatulong pa rin sa pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa